Siksik na aksyon ang nasaksihan sa labang Jojo Cochoco at TJ Alberto sa Open Production sa pagpapatuloy ng 2014 MMF 15-leg D-Motocross Series nakaraang linggo sa Mx Messiah Fairgrounds (MMF), Club Manila East, Taytay Rizal.
Matinding 2-1 record ang bitbit pauwi ni Alberto nang mabawian nito si Cochoco sa moto 2 ng karera.
Sa kabila ng matagumpay na panimula, nahirapan ang D-Motocross leg 1 champ Cochoco dominahin ang moto 2 ng ikatlong leg.
“Sa moto 1, mula simula hanggang finish ako ang nauuna. Kaso noong moto 2, pangatlo ako sa starting. Nahirapan akong unahan si TJ kasi madulas ang track. Kahit mag outer ako hirap pa din,” sabi ng pambato ng Cavite Cochoco.
Maalala na si Alberto ng Access Plus ang nagwagi sa ikalawang leg samantalang si Cochoco ang nanalo sa unang leg ng serye.
Samantala, naghari naman si Lad Bucag sa Open Local Enduro habang hindi naman nagpahuli si Darnel Francisco sa Executive A at si Toti Alberto sa Executive B.
Hindi pa din natinag si Troy Alberto ng Access Plus na wagi sa ikalawang beses sa Kids Jr.
Ang karerang inorganisa ng Xtreme Adrenaline Sports Entertainment Co. ay susundan sa Abril 5.